Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Ang Buhay na may Impeksiyong HIV Ang Iyong Mga Legal na Karapatan sa Lugar ng Trabaho sa ilalim ng ADA

Ang Buhay na may Impeksiyong HIV Ang Iyong Mga Legal na Karapatan sa Lugar ng Trabaho sa ilalim ng ADA

Kung ikaw ay may impeksyong HIV o AIDS, mayroon kang mga karapatan sa pagkapribado sa lugar ng trabaho, protektado ka laban sa diskriminasyon at panliligalig sa trabaho dahil sa iyong kondisyon, at maaaring mayroon kang legal na karapatan sa mga makatwirang akomodasyon na makakatulong na magampanan mo ang iyong trabaho. Ang Fact Sheet na ito ay maikling nagpapaliwanag sa mga karapatang ito, na ibinibigay sa ilalim ng Americans with Disabilities Act (ADA). Maaari ka ring magkaroon ng karagdagang mga karapatan sa ilalim ng iba pang mga batas, tulad ng Family and Medical Leave Act (FMLA) at iba't ibang batas sa segurong medikal, na hindi tinalakay dito.

1. Pinahihintulutan bang Manatiling Pribado ang Aking Kundisyon?

Sa karamihan ng mga sitwasyon, maaari mong panatilihing pribado ang iyong kondisyon. Sa pangkalahatan, hindi ka maaaring tanungin ng mga employer kung ikaw ay positibo sa HIV, o kung mayroon kang iba pang kondisyong medikal, bago maialok ang trabaho. Ang isang employer ay pinahihintulutan na magtanong ng mga medikal na katanungan sa apat na sitwasyon:

  • Kapag nagsasagawa ito ng apirmatibong aksyon sa mga taong may kapansanan, kung saan maaari mong piliin kung sasagot.
  • Kapag humingi ka ng makatwirang akomodasyon (tingnan ang Tanong 3).
  • Matapos kang bigyan ng alok na trabaho, bago magsimula ang trabaho, basta lahat ng pumapasok sa parehong kategorya ng trabaho ay tinanong ng parehong mga katanungan.
  • Sa trabaho, kapag may makatotohanang ebidensya na maaaring hindi mo magampanan ang iyong trabaho o maaari kang magdulot ng panganib dahil sa iyong kondisyon. Ang iyong employer ay hindi maaaring umasa sa mga haka-haka o stereotype tungkol sa iyong kondisyon upang pagtibaying hindi mo magampanan ang iyong trabaho o magdudulot ng panganib sa kaligtasan.

Maaaring kailanganin mo ring talakayin ang iyong kondisyon para makabuo at makakuha ng mga benepisyo sa ilalim ng ibang mga batas, gaya ng FMLA.

Kung kailangan mong pag-usapan ang tungkol sa iyong kondisyon para masagot ang isang hindi medikal na tanong (halimbawa, kung tatanungin ka kung bakit may mga puwang sa iyong resume), maaari mong piliin kung sasagot. Gayunpaman, dapat mong malaman na maaari kang tanggihan ng employer dahil sa hindi mo pagsagot sa tanong o sa pagsisinungaling. Kung tinatalakay ang iyong kalagayan, ang employer ay hindi maaaring magdiskrimina sa iyo (tingnan ang Tanong 5), at dapat nitong panatilihing kumpidensyal ang impormasyon, kahit sa mga katrabaho. (Kung gusto mong talakayin ang iyong kalagayan sa mga katrabaho, maaari mong piliing gawin ito.)

2. Paano kung ang Aking Kondisyon ay Makakaapekto sa aking Pagganap sa Trabaho?

Kung makakaapekto sa iyong trabaho ang impkesiyong HIV, mga epekto ng gamot sa HIV, o ibang kondisyong medikal na nabuo dahil sa HIV, ikaw ay maaaring may karapatan sa isang makatwirang akomodasyon na makakatulong sa paglutas ng problema.

Ang isang makatwirang akomodasyon ay isang uri ng pagbabago sa paraan ng karaniwang ginagawa sa trabaho na kailangan mo dahil sa isang kapansanan. Kabilang sa mga posibleng makatwirang akomodasyon ang mga binagong iskedyul ng pahinga at trabaho (hal., madalas na break upang magpahinga o gumamit ng banyo o mabago ang iskedyul upang matugunan ang mga medikal na mga apointment) mga pagbabago sa mga pamamaraan ng pangangasiwa (hal., nakasulat na mga tagubilin mula sa isang superbisor na karaniwang hindi ibinibigay ito), mga akomodasyon para sa mga may kapansanan sa paningin (hal., mga magnifier, software sa pagbabasa ng screen, at mga kwalipikadong mambabasa),  ergonomic na mga kasangkapan sa opisina, walang bayad na pagliban (hal., sa paggamot o pagpapagaling), pahintulot na pagtatrabaho sa bahay, at paglipat sa isang bakanteng posisyon kung hindi mo na kayang gampanan ang iyong trabaho dahil sa iyong kondisyon. Mga halimbawa lamang ito - malaya kang humiling ng anumang pagbabago na kailangan mo dahil sa iyong kondisyon. Gayunpaman, hindi kailangang tanggalin ng iyong employer ang mga mahahalagang tungkulin (pangunahing tungkulin) ng iyong trabaho, hayaan kang gumawa ng mas kaunting trabaho na may parehong sahod, o hayaan kang gumawa ng mas mababang uri na trabaho.

Dahil hindi kailangang gawing dahilan ng isang employer ang mahinang pagganap sa trabaho, kahit na ito ay sanhi pa ng isang kondisyong medikal o mga epekto ng gamot, mas makakabuting humiling ng akomodasyon bago mangyari ang anumang mga problema o lumala pa.

3. Paano Ako Makakakuha ng isang Makatwirang Akomodasyon?

Humiling ng isa. Sabihin sa isang superbisor, HR manager, o ibang naaangkop na tao na kailangan mo ng pagbabago sa paraan ng karaniwang ginagawa ang trabaho dahil sa isang kondisyong medikal. Maaari kang humiling ng akomodasyon anumang oras. (Gayunpaman, maraming tao ang pumipili na maghintay hanggang sa matanggap nila ang alok na trabaho, dahil napakahirap patunayan ang ilegal na diskriminasyon bago ang alok na trabaho.)

4. Ano ang Mangyayari Pagkatapos Akong Humingi ng Makatwirang Akomodasyon?

Maaaring hilingin sa iyo ng iyong employer na isulat ang iyong kahilingan, at ilarawan ang iyong kalagayan at kung paano ito nakakaapekto sa iyong trabaho. Maaari mo ring hilingin na magsumite ng isang sulat mula sa iyong doktor na nagdodokumento na ikaw ay may kondisyong medikal at kailangan mo ng isang akomodasyon. Kung hindi mo gustong malaman ng employer ang iyong partikular na diagnosis, maaaring sapat na ang pagbibigay ng dokumentasyong naglalarawan sa iyong kondisyon sa pangkalahatan (sa pamamagitan ng pagsasabi, halimbawa, na mayroon kang "immune disorder"). Maaari ring tanungin ang doktor kung ang mga partikular na makatwirang akomodasyon ay makakatugon sa iyong mga pangangailangan.

Kung ang isang makatwirang akomodasyon ay makakatulong sa iyo na gampanan ang iyong tungkulin sa trabaho, dapat na ito’y maibigay sa iyo ng employer maliban na lang kung ito ay magbibigay ng matinding kahirapan o gastos. Hindi ka maaaring tanggalin ng employer, o tanggihang i-hire o i-promote, dahil humiling ka ng makatwirang akomodasyon, o dahil kinakailangan mo ito. Hindi ka rin maaaring pagbayarin ng employer sa mga gastos ng isang akomodasyon. Gayunpaman, kung higit sa isang akomodasyon ang maaari, maaring piliin ng employer ang ibibigay.

5. Kung Malalaman ng Aking Employer na Ako ay May Impeksyong HIV, Maaari ba Akong Matanggal sa Trabaho?

Ang mga employer ay hindi pinahihintulutan na magdiskrimina laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay may impeksyong HIV. Kabilang dito ang pagtanggal sa iyo, pagtanggi sa iyo sa isang trabaho o pag-promote, at pagpilit sa iyong umalis.

Bagama't hindi kailangang panatilihin ng mga employer ang mga empleyadong hindi kayang gampanan ang trabaho, o nagbibigay ng "direktang banta" sa kaligtasan (isang matinding panganib o matinding pinsala sa iyong sarili o sa iba), hindi nila maaring gawing basehan ang mga haka-haka o stereotype tungkol sa impeksyong HIV sa pagpapasya sa kung anong maaari mong gawin nang ligtas o epektibo. Bago ka maaaring tanggihan ng isang employer batay sa iyong kondisyon, ito ay dapat na may makatotohanang ebidensiya na hindi mo kayang gampanan ang iyong mga tungkulin sa trabaho, o maari kang makalikha ng isang matinding panganib sa kaligtasan, kahit na may makatwirang akomodasyon.

6. Paano Kung Ako ay Hinaharas Dahil sa Aking Kondisyon?

Ang panliligalig batay sa kapansanan ay hindi pinahihintulutan sa ilalim ng ADA. Dapat mong ipagbigay-alam sa iyong employer ang tungkol sa anumang panliligalig kung nais mong itigil ng employer ang problema.  Sundin ang mga pamamaraan ng pagrereport ng iyong employer kung mayroon man. Kung irereport mo ang panliligalig, kinakailangang makagawa ng isang legal na aksyon ang iyong employer upang maiwasan itong mangyari sa hinaharap.

7. Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Sa Palagay Ko ay Nilabag Ang Aking Mga Karapatan?

Ang Equal Employment Opportunity Commission (EEOC) ay tutulong sa iyo sa pagpapasya kung ano ang susunod mong gagawin, at magsagawa ng imbestigasyon sakaling mapagpasyahan mong maghain ng kaso ng diskriminasyon. Dahil dapat mong maihain ang kaso sa loob ng 180 araw ng pinaghihinalaang paglabag para makagawa ng karagdagang legal na aksyon (o 300 araw kung ang employer ay saklaw din ng batas ng diskriminasyon sa estado o lokal na trabaho), pinakamahusay na simulan ang proseso nang maaga. Labag sa batas ang gantihan ka ng iyong employer dahil sa pakikipag-ugnayan sa EEOC o paghahain ng kaso. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang http://www.eeoc.gov, tumawag sa 800-669-4000 (boses) o 800-669-6820 (TTY), o bisitahin ang iyong lokal na opisina ng EEOC (tingnan ang http://www.eeoc.gov/field/index.cfm  para sa impormasyon sa pakikipag-ugnayan).