Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Diskriminasyon Batay sa Pagbubuntis

Diskriminasyon Batay sa Pagbubuntis

Ang diskriminasyon batay sa pagbubuntis ay nauugnay sa hindi kanais-nais na pagturing sa isang babae (aplikante o empleyado) dahil sa pagbubuntis, panganganak, o medikal na kundisyong may kinalaman sa pagbubuntis o panganganak.

Diskriminasyon Batay sa Pagbubuntis at Mga Sitwasyon sa Trabaho

Ipinagbabawal ng Pregnancy Discrimination Act (PDA) ang diskriminasyon batay sa pagbubuntis pagdating sa anumang aspeto ng pagtatrabaho, kabilang ang pag-hire, pagsisisante, pagpapasahod, mga pagtatalaga ng trabaho, mga promotion, pagtatanggal ng empleyado, pagsasanay, mga karagdagang benepisyo ng empleyado, gaya ng leave at health insurance, at anupamang tuntunin o kundisyon ng pagtatrabaho.

Diskriminasyon Batay sa Pagbubuntis at Pansamantalang Kapansanan

Kung ang isang babae ay pansamantalang hindi makakapagtrabaho dahil sa medikal na kundisyong may kinalaman sa pagbubuntis o panganganak, dapat siyang ituring ng employer o iba pang saklaw na entidad gaya ng pagturing nila sa sinupamang pansamantalang may kapansanan na empleyado. Halimbawa, maaaring kailanganin ng employer na magbigay ng magaang tungkulin, mga alternatibong gawain, leave para sa pagkakaroon ng kapansanan, o hindi bayad na leave sa mga buntis na empleyado kung ganito rin ang ibinibigay niya para sa iba pang pansamantalang may kapansanan na empleyado.

Bukod pa rito, ang mga kapansanan dahil sa pagbubuntis (halimbawa, gestational diabetes o preeclampsia, isang kundisyong inilalarawan bilang alta-presyon dahil sa pagbubuntis at pagkakaroon ng protina sa ihi) ay maaaring maging mga kapansanan sa ilalim ng Americans with Disabilities Act (ADA).  Maaaring kailanganin ng employer na magbigay ng makatuwirang tulong (gaya ng leave o mga pagbabagong magbibigay-daan sa empleyado na maisagawa ang kanyang trabaho) para sa kapansanang may kinalaman sa pagbubuntis, na walang naidudulot na hindi makatuwirang paghihirap (matinding hirap o malaking gastusin).  Lubos na pinapadali ng ADA Amendments Act ng 2008 na maipakita na ang isang medikal na kundisyon ay saklaw na kapansanan.  Para sa higit pang impormasyon tungkol sa ADA, tingnan ang https://edit-www.eeoc.gov/fil/diskriminasyon-batay-sa-kapansanan.  Para sa impormasyon tungkol sa ADA Amendments Act, tingnan ang /node/25196.

Diskriminasyon Batay sa Pagbubuntis at Panghaharas

Ilegal na mangharas ng babae dahil sa pagbubuntis, panganganak, o medikal na kundisyong may kinalaman sa pagbubuntis o panganganak. Ilegal ang panghaharas kapag madalas na madalas itong mangyari o kaya ay napakalala nito na nagdudulot ito ng nakakapinsala o nakakapanakit na sitwasyon sa trabaho o kapag nagresulta ito sa hindi magandang desisyon sa pagtatrabaho (gaya ng pagkakasisante sa o pagkaka-demote ng biktima). Maaaring ang nanghaharas ay ang supervisor ng biktima, isang supervisor sa ibang area, isang katrabaho, o isang taong hindi empleyado ng employer, tulad ng kliyente o mamimili.

Leave para sa Pagbubuntis, Maternidad, at Pagiging Magulang

Sa ilalim ng PDA, ang isang employer na pinapayagan ang mga pansamantalang may kapansanan na empleyado na mag-leave dahil sa kapansanan o na mag-leave nang walang bayad ay dapat payagan din ang isang empleyadong pansamantalang may kapansanan dahil sa pagbubuntis na gawin din ito.

Hindi maaaring ibukod ng employer ang mga kundisyong may kinalaman sa pagbubuntis para sa mga espesyal na pamamaraan para matukoy ang kakayahan ng empleyado na magtrabaho. Gayunpaman, kung hihingin ng employer sa empleyado nito na magsumite ng pahayag ng doktor tungkol sa kanyang kakayahang magtrabaho bago magbigay ng mga benepisyong leave o ng mga benepisyo kapag may sakit, maaaring hingin ng employer sa mga empleyadong apektado ng mga kundisyong may kinalaman sa pagbubuntis na magsumite ng mga naturang pahayag.

Dagdag pa rito, sa ilalim ng Family and Medical Leave Act (FMLA) ng 1993, ang isang bagong magulang (kabilang ang mga foster parent at nag-ampon na magulang) ay maaaring maging kwalipikado para sa 12 linggong leave (hindi bayad o may bayad kung naging karapat-dapat dito o nagkaroon nito ang empleyado) na maaaring gamitin para sa pangangalaga ng bagong silang na anak o ng anak na kamakailan lang na napailalim sa kanyang pangangalaga. Para maging kwalipikado, dapat ay 12 buwan nang nagtatrabaho ang empleyado para sa employer bago mag-leave at dapat ay may partikular na bilang ng mga empleyado ang employer.  Tingnan ang http://www.dol.gov/whd/regs/compliance/whdfs28.htm.

Pagbubuntis at Mga Batas sa Lugar ng Trabaho

May mga karagdagang karapatan ang mga buntis na empleyado sa ilalim ng Family and Medical Leave Act (FMLA), na ipinapatupad ng U.S. Department of Labor.   May karapatan din ang mga nagpapasusong ina na magpalabas ng gatas sa lugar ng trabaho sa ilalim ng probisyon ng Fair Labor Standards Act na ipinapatupad ng Wage and Hour Division ng U.S. Department of Labor.  Tingnan ang http://www.dol.gov/whd/regs/compliance/whdfs73.htm.

Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Family Medical Leave Act o sa oras ng pahinga para sa mga nagpapasusong ina, pumunta sa http://www.dol.gov/whd, o tumawag sa 202-693-0051 o 1-866-487-9243 (voice), 202-693-7755 (TTY).