Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Pagkatapos Mong Maghain ng Reklamo

Pagkatapos Mong Maghain ng Reklamo

Pagtingin sa Status ng Iyong Reklamo

Available ang Online na System ng Status ng Reklamo para sa mga reklamong inihain noon o pagkatapos ng Setyembre 2, 2015. Para sa mga reklamong inihain bago ang petsang iyon, maaari mong malaman ang partikular na status ng iyong reklamo sa pamamagitan ng pagtawag sa field office ng EEOC kung saan nakahain ang reklamo mo. Kung nasa iyo ang numero ng reklamo mo, maaari ka ring makatanggap ng higit pang pangkalahatang impormasyon tungkol sa iyong status sa pamamagitan ng pagtawag nang libre sa EEOC sa 1-800-669-4000 (TTY: 1-800-669-6820 o ASL Video Phone 1-844-234-5122).

Pagdaragdag sa Iyong Reklamo

Kung may mga bagong insidenteng mangyayari pagkatapos mong ihain ang iyong reklamo na pinaniniwalaan mong nangdidiskrimina, maaari naming idagdag ang mga bagong insidenteng ito sa iyong reklamo at imbestigahan ang mga ito. Tinatawag itong "pag-amyenda" ng reklamo. Sa ilang sitwasyon, maaari naming mapagpasyahang mas mainam na maghain ka ng bagong reklamo ng diskriminasyon. Kung may mga bagong insidenteng idinagdag sa iyong reklamo o may bagong reklamong inihain, magpapadala kami sa iyo ng kopya ng bago o inamyendahang reklamo sa employer at iimbestigahan namin ang mga bagong insidente kasama ng iba pang insidente. Tandaang nalalapat din ang mahihigpit na deadline para sa paghahain ng reklamo kapag gusto mong amyendahan ang isang reklamo. Dahil mayroon kang inihaing mas naunang reklamo, hindi mo maaaring patagalin ang deadline. Sa dahilang ito, dapat kang makipag-ugnayan kaagad sa iyong imbestigador kung sa tingin mo ay may nangyaring iba pang insidenteng nangdidiskrimina.

Pag-update sa Iyong Impormasyon sa Pakikipag-ugnayan

Mahalagang alam namin kung paano makikipag-ugnayan sa iyo habang iniimbestigahan namin ang reklamo mo. Maaari mong i-update ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng pagtawag sa field office ng EEOC kung saan nakahain ang reklamo mo. O maaari kang tumawag nang libre sa EEOC sa 1-800-669-4000 (TTY: 1-800-669-6820), at ipapadala namin ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa naaangkop na tanggapan.

Paghiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla

Maaari kang humiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng EEOC na nangangasiwa sa iyong reklamo. Dapat mong isumite ang kahilingan nang nakasulat. 

Kung inihain mo ang iyong reklamo sa ilalim ng Title VII (diskriminasyon batay sa lahi, kulay, relihiyon, kasarian, at pinagmulang bansa), o sa ilalim ng Americans with Disabilities Act (ADA) batay sa kapansanan, dapat kang magkaroon ng Abiso ng Karapatang Manghabla mula sa EEOC bago ka makapaghain ng demanda sa pederal na korte. Sa pangkalahatan, dapat mong bigyan ang EEOC ng 180 araw para lutasin ang iyong reklamo. Bagaman sa ilang sitwasyon, maaaring sumang-ayon ang EEOC na magbigay ng Abiso ng Karapatang Manghabla bago ang 180 araw.

Kung inihain mo ang iyong reklamo sa ilalim ng Age Discrimination in Employment Act (diskriminasyon batay sa edad na 40 taong gulang pataas), hindi mo kailangan ng Abiso ng Karapatang Manghabla mula sa EEOC. Maaari kang maghain ng demanda sa pederal na korte 60 araw pagkatapos ihain ang iyong reklamo sa EEOC.

Kung inihain mo ang iyong reklamo sa ilalim ng Equal Pay Act (diskriminasyon sa sahod batay sa kasarian), hindi mo kailangan ng Abiso ng Karapatang Manghabla mula sa EEOC. Maaari kang maghain ng demanda sa pederal na korte sa loob ng dalawang taon mula sa araw na natanggap mo ang huling paycheck na nangdidiskrimina.