Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Ang Maaasahan Mo Pagkatapos Mong Maghain ng Reklamo

Ang Maaasahan Mo Pagkatapos Mong Maghain ng Reklamo

Tandaan: May magkaibang proseso ng pagrereklamo ang mga empleyado at aplikante ng pederal na pamahalaan para sa pagtatrabaho sa pederal na pamahalaan.

I-access ang Impormasyon ng Iyong Reklamo sa Pamamagitan ng Pampublikong Portal ng EEOC

Maaari mong i-access ang iyong reklamo sa pamamagitan ng Pampublikong Portal ng EEOC kapag nagparehistro ka na. Kung nagsumite ka ng online na tanong, rehistrado ka na at makakapag-log in ka sa Pampublikong Portal ng EEOC bilang "Bumabalik na User." Kung may reklamo kang inihain pagkatapos ng Enero 1, 2016, na iniimbestigahan at hindi ka pa nagpaparehistro sa Pampublikong Portal ng EEOC, maaari kang magparehistro sa pamamagitan ng:

1.     Pagpunta sa https://publicportal.eeoc.gov/portal/

2.     Piliin ang Mga Kaso Ko sa EEOC.

3.     I-click ang Mag-sign Up Ngayon sa ilalim ng Mga Bagong User.

  • Ilagay ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan at gumawa ng password.
  • Kapag gumawa ka ng iyong account, awtomatiko kang mala-log in sa Pampublikong Portal.

4.     Kapag naka-log in ka na, dadalhin ka mismo sa iyong reklamo.

Nagbibigay-daan sa iyo ang Pampublikong Portal ng EEOC na:

  • I-update ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan - Mahalagang up-to-date at wasto ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan.
  • Kung mayroon kang sulat ng pagkatawan mula sa iyong abogado, i-upload ito
  • Mag-upload ng mga dokumentong sumusuporta sa iyong reklamo
  • Hilingin ang Pahayag Tungkol sa Posisyon ng Akusado kung magsusumite siya nito, at i-upload ang iyong tugon
  • Suriin ang status ng iyong reklamo

Sa loob ng 10 araw mula sa petsa ng paghahain ng iyong reklamo, magpapadala kami sa employer ng abiso tungkol sa reklamo. Sa ilang sitwasyon, hihilingin namin sa iyo at sa employer na lumahok sa aming  programa sa pagpapamagitan.  Kung hindi nalalapat sa iyong mga claim ang mga batas na ipinapatupad ng EEOC o kung hindi sumusunod sa oras ang reklamo mo, o kung magpapasya kaming malamang na hindi namin matutukoy kung nalabag ang batas, isasara namin ang pag-iimbestiga sa iyong reklamo at aabisuhan ka namin.

Pagpapamagitan

Kung sasang-ayon ka at ang employer na lumahok sa pagpapamagitan, susubukan ng tagapamagitan na tulungan kayong dalawa na magkaroon ng boluntaryong pag-aareglo. Nagbibigay-daan sa iyo at sa employer ang pagpapamagitan na pag-usapan ang mga alalahanin mo. Hindi nagpapasya ang mga tagapamagitan kung sino ang tama o mali, ngunit napakahusay nila sa pagmumungkahi ng mga paraan para malutas ang mga problema at hindi pagkakaunawaan.

Imbestigasyon

Kung hindi ipapadala sa pagpapamagitan ang reklamo, o kung hindi mareresolba ng pagpapamagitan ang reklamo, karaniwan naming hinihiling sa employer na magbigay sa amin ng nakasulat na sagot sa iyong reklamo (tinatawag na "Pahayag Tungkol sa Posisyon ng Akusado"). Makakatanggap ka ng email kapag natanggap na namin ang pahayag tungkol sa posisyon at magagawa mo itong suriin. Mag-log in sa Pampublikong Portal para makakuha ng kopya ng pahayag tungkol sa posisyon.

Maaari mong i-upload ang iyong tugon sa Pampublikong Portal ng EEOC. Hinihiling namin sa iyo na magbigay ng sagot a loob ng 30 araw mula sa petsa kung kailan mo ito natanggap. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Mga Pamamaraan ng EEOC para sa Mga Pahayag Tungkol sa Posisyon ng Akusado. Maaari din naming hilingin sa employer na sagutin ang mga tanong namin tungkol sa mga claim sa iyong reklamo.

Ang paraan ng pag-iimbestiga namin sa isang reklamo ay nakadepende sa mga impormasyon nito at sa mga uri ng impormasyong kailangan naming makalap. Sa ilang sitwasyon, binibisita namin ang employer para magsagawa ng mga panayam at mangalap ng mga dokumento. Sa iba pang sitwasyon, kinakapanayam namin ang mga testigo at humihingi kami ng mga dokumento. Pagkatapos ng aming imbestigasyon, ipapaalam namin sa iyo at sa employer ang resulta.

Ang tagal ng imbestigasyon ay nakadepende sa maraming salik, kabilang ang dami ng impormasyong kailangang makalap at masuri. Sa karaniwan, inaabot kami ng humigit-kumulang 10 buwan para suriin ang isang reklamo. Kadalasan, nagagawa naming mas mabilis na aregluhin ang isang reklamo sa pamamagitan ng pagpapamagitan (hindi inaabot ng 3 buwan sa karaniwan). Maaari mong suriin ang status ng iyong reklamo sa pamamagitan ng paggamit sa  Online na System para sa Status ng Reklamo ng EEOC.

Pagdaragdag sa Iyong Reklamo

Pagkatapos mong ihain ang iyong reklamo, kung magkakaroon ng mga bagong kaganapan na sa tingin mo ay mapandiskrimina, magagawa naming idagdag sa iyong reklamo ang mga bagong kaganapang ito at imbestigahan ang mga ito. Tinatawag itong "pag-amyenda" sa reklamo. Sa ilang sitwasyon, maaari kaming magpasya na mas mainam na maghain ka ng bagong reklamong nauugnay sa diskriminasyon. Kung magdaragdag ng mga bagong kaganapan sa iyong reklamo o kung maghahain ng bagong reklamo, ipapadala namin sa employer ang bago o inamyendahang reklamo at iimbestigahan namin ang mga bagong kaganapan kasama ang iba pang impormasyon. Tandaang nalalapat din ang mahihigpit na deadline para sa paghahain ng reklamo kapag gusto mong mag-amyenda ng reklamo. Maaaring hindi mapalawig ang deadline dahil naghain ka ng naunang reklamo. Dahil dito, dapat kang makipag-ugnayan kaagad sa iyong imbestigador kung sa palagay mo ay may iba pang naganap na pandidiskrimina.

Subpoena

Kung tatanggi ang isang employer na makipagtulungan sa isang imbestigasyon ng EEOC, maaaring mag-isyu ang EEOC ng administratibong subpoena para makakuha ng mga dokumento, testimonya, o para magkaroon ng access sa mga pasilidad.

Paghiling ng Abiso ng Karapatang Manghabla

Kung naghain ka ng reklamo sa ilalim ng Title VII (diskriminasyon batay sa lahi, kulay, relihiyon, kasarian, at bansang pinagmulan), o sa ilalim ng Americans with Disabilities Act (ADA) batay sa kapansanan, dapat ay mayroon kang Abiso ng Karapatang Magdemanda mula sa EEOC bago ka makapagdemanda sa pederal na hukuman. Sa pangkalahatan, dapat mong bigyan ng 180 araw ang EEOC para maresolba ang iyong reklamo. Gayunpaman, sa ilang sitwasyon, maaaring sumang-ayon ang EEOC na mag-isyu ng Abiso ng Karapatang Magdemanda bago lumipas ang 180 araw.

Kung inihain mo ang iyong reklamo sa ilalim ng Age Discrimination in Employment Act (diskriminasyon batay sa edad na 40 taong gulang pataas), hindi mo kailangan ng Abiso ng Karapatang Magdemanda mula sa EEOC. Maaari kang magdemanda sa pederal na hukuman pagkalipas ng 60 araw pagkatapos na ihain sa EEOC ang iyong reklamo.

Kung inihain mo ang iyong reklamo sa ilalim ng Equal Pay Act (diskriminasyon sa sahod batay sa kasarian), hindi mo kailangan ng Abiso ng Karapatang Magdemanda mula sa EEOC. Maaari kang magdemanda sa pederal na hukuman sa loob ng dalawang taon mula sa araw kung kailan mo natanggap ang huling sahod na nauugnay sa diskriminasyon.

Posibleng Pagkilos Kapag Natapos na ang Imbestigasyon

Kung hindi namin matutukoy kung nalabag ang batas, magpapadala kami sa iyo ng Abiso ng Karapatang Magdemanda. Nagbibigay sa iyo ang abisong ito ng karapatang magdemanda sa hukuman. Kung matutukoy namin na maaaring nalabag ang batas, susubukan naming magkaroon ng boluntaryong pag-aareglo sa employer. Kung hindi kami makakapag-areglo, ipapasa ang iyong kaso sa tauhan ng aming legal staff (o sa Department of Justice sa ilang sitwasyon), na magpapasya kung dapat magdemanda ang ahensya. Kung magpapasya kaming hindi magdemanda, magbibigay kami sa iyo ng Abiso ng Karapatang Magdemanda.