Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Pagtulong sa mga Pasyenteng may Impeksiyong HIV na Nangangailangan ng Mga Akomodasyon sa Trabaho

Pagtulong sa mga Pasyenteng may Impeksiyong HIV na Nangangailangan ng Mga Akomodasyon sa Trabaho

Kung ang isang pasyente na may impeksiyong HIV ay nakakaranas ng problema sa trabaho dahil sa kondisyon (hal., mga problema sa stamina, dagdag na pangangailangan sa paggamit ng banyo, nahihirapang makakita, o may kapansanan sa konsentrasyon), maaaring may karapatan ang pasyente sa isang "makatwirang mga akomodasyon" mula sa employer na makakatulong upang malutas ang problema sa ilalim ng Americans with Disabilities Act (ADA). Ang mga pasyente na humihiling ng makatwirang akomodasyon ay maaaring hingan ng mga dokumendasyong pangsuporta na manggagaling sa tagapagbigay ng pangangalaga sa kalusugan. Ipinapaliwanag ng Fact Sheet na ito ang batas ng makatwirang akomodasyon at ang tungkulin ng tagapagbigay ng pangangalaga sa kalusugan sa proseso.

1. Ano ang ADA?

Ang ADA ay isang batas pederal na nagbabawal sa mga employer na may 15 o higit pang mga empleyado na magdiskrimina batay sa kapansanan, at nagbibigay sa mga empleyado at aplikanteng may kapansanan ng karapatan sa makatwirang mga akomodasyon sa trabaho. Nagbibigay din ito ng mga karapatan sa labas ng lugar ng trabaho (hindi tinalakay dito), tulad ng pantay na pagtamasa sa mga programa ng estado at lokal na pamahalaan, at mga aktibidad at pag-access sa mga lugar na nagsisilbi sa publiko.

2. Makakakuha ba ang Aking Pasyente ng Makatuwirang Akomodasyon?

Ang ADA ay tumutukoy sa "kapansanan" bilang isang mental o pisikal na kapansanan na lubos na naglilimita sa isa o higit pang mga pangunahing aktibidad sa buhay, kabilang ang mga paggalaw ng katawan. Dahil ang impeksyong HIV ay isang "kapansanan" na  maaaring "lubos na lilimitahan" ang mga paggalaw ng immune system na walang medikal na gamutan, ang isang pasyente na may impeksyong HIV ay madaling matutugunan ang kahulugan ng ADA sa "kapansanan." Bilang isang taong may kapansanan, ang isang pasyente na may HIV ay may karapatan sa isang makatwirang akomodasyon sa ilalim ng ADA kung kinakailangan, hangga't hindi ito nagreresulta sa matinding kahirapan o gastusin ng employer (tinatawag na "hindi nararapat na paghihirap").

3. Ano ang Makatuwirang Akomodasyon?

Ang isang makatwirang akomodasyon ay isang pagbabago sa paraan ng karaniwang ginagawa sa trabaho na nagbibigay-daan sa isang indibidwal na may kapansanan na magampanan ang trabaho, makapag-aplay sa isang trabaho, o matamasa ng pantay ang pagkuha sa mga benepisyo at mga pribilehiyo ng trabaho. Gayunpaman, hindi kailanman maaaring gawing dahilan ng isang employer ang kahinaan sa pagganap sa trabaho, mababang produksyon o mga pamantayan sa pagganap, pag-alis ng mahahalagang tungkulin (pangunahing mga tungkulin) ng trabaho, o suweldo sa trabahong hindi nagagampanan bilang makatwirang akomodasyon.

4. Anong Uri ng Makatwirang Akomodasyon ang Makukuha ng Aking Pasyente?

Ang iyong pasyente ay maaaring makakuha ng anumang uri ng makatwirang akomodasyon na kailangan dahil sa impeksyong HIV, ang mga epekto ng gamutan ng HIV, o iba pang kondisyong medikal na nabuo dahil sa HIV, maliban kung ang akomodasyon ay nagbibigay ng malaking kahirapan o gastusin. Kasama sa mga karaniwang makatwirang akomodasyon ang mga binagong iskedyul ng pahinga at trabaho (hal., madalas na break upang magpahinga o gumamit ng banyo o magbago ng iskedyul upang matugunan ang mga medikal na mga apointment), mga pagbabago sa mga pamamaraan ng pangangasiwa (hal., nakasulat na mga tagubilin mula sa isang superbisor na karaniwang hindi nagbibigay nito), mga akomodasyon para sa mga kapansanan sa paningin (hal., mga magnifier, software sa pagbabasa ng screen, at mga kwalipikadong mambabasa), ergonomic/komportableng mga kasangkapan sa opisina, walang bayad na pagliban sa trabaho para sa pagpapagamot o pagpapagaling, at pahintulot na magtrabaho mula sa bahay. Kung matagumpay na nagtratrabaho ang isang pasyente sa isang trabaho, ngunit hindi na ito kayang gampanan dahil sa isang kapansanan, ang ADA ay maaari ring mangailangan ng paglipat sa isang bakanteng posisyon kung saan kaya itong gampanan ng pasyente. Ito ay mga halimbawa lamang; ang mga empleyado ay malayang makahiling, at ang mga employer ay malayang makamungkahi ng iba pang mga modipikasyon o pagbabago. Kung higit sa isang akomodasyon ang posible, maaaring piliin ng employer kung alin ang ipagkakaloob.

5. Kailan ang Tamang Panahon sa Aking Pasyente na Makahiling ng Makatwirang Akomodasyon?

Dahil hindi kailangang gawing dahilan ng isang employer ang mahinang pagganap sa trabaho, kahit pa ito’y sanhi ng isang kondisyong pangkalusugan, sa pangkalahatan ay nasa interes ng iyong pasyente na humiling ng isang akomodasyon bago mangyari ang anumang mga problema sa trabaho o lumala. Ang isang akomodasyon ay maaaring makatulong upang maiwasan ang pagdidisiplina o maging ang terminasyon o pagtatapos ng trabaho sa pamamagitan ng pagtulong sa iyong pasyente na maisagawa ang isang trabaho nang matagumpay, at sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga problema sa hinaharap.

6. Paano Ko Matutulungan ang Aking Pasyente na Makakuha ng Makatwirang Akomodasyon?

Maaaring hilingin ng iyong pasyente na idokumento ang kondisyong medikal at ang ilang mga kaugnayan nitong mga limitasyon sa pagganap, at maipaliwanag kung paano makakatulong ang isang hinihiling na akomodasyon. Kung hihilingin sa iyo ng pasyente mo na huwag ihayag ang partikular na dayagnosis o karamdaman, maaaring sapat nang ihayag ang pangkalahatang uri ng karamdaman (hal., "immune disorder"). Ang empleyor, marahil sa konsultasyon sa isang propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, ay gagamitin ang impormasyong ito upang suriin kung magbibigay ng makatwirang akomodasyon, at kung mabibigyan man, alin ang ipagkakaloob. Ang taong nagsusuri ng kahilingan sa akomodasyon ay maaari ring makipag-ugnayan sa iyo na humingi ng paglilinaw sa iyong isinulat, o upang bigyan ka ng karagdagang impormasyon na dapat isaalang-alang. Halimbawa, maaari kang tanungin kung ang ibang akomodasyon ay magiging epektibo kung ang hinihiling na akomodasyon ay napakahirap o mahal na maibigay.

Kinakailangan ng mga employer na panatilihing kumpidensyal ang lahat ng impormasyon na may kaugnayan sa hiling na makatwirang akomodasyon.

7. Pinahihintulutan ba Akong Ihayag ang Medikal na Impormasyon ng Aking Pasyente?

Hindi binabago ng ADA ang mga etikal o legal na obligasyon ng tagapagbigay ng pangangalaga sa kalusugan. Dapat kang humiling ng makatwirang akomodasyon sa ngalan ng isang pasyente, o mabigyan ang employer ng medikal na impormasyon tungkol sa pasyente, kung hihilingin lamang sa iyo ng pasyente na gawin ito at pumirma ng isang release form o angkop na dokumento ng pagpapalabas.

8. Maaari Bang Magdiskrimina ang Isang Employer sa Aking Pasyente Dahil sa Impormasyong Ibinigay Ko?

Ipinagbabawal ng ADA ang mga employer na harasin iyong pasyente batay sa isang kundisyon, pagganti laban sa iyong pasyente dahil humiling ng isang akomodasyon, pagtatanong ng napakaraming malalawak na katanungan tungkol sa kalusugan ng iyong pasyente bilang tugon sa isang kahilingan ng akomodasyon, at pagwawakas ng trabaho o pagsasagawa ng ibang hindi magandang aksyon batay sa kondisyon. Kung ang impormasyong ibinigay mo ay nagpapakita na ang iyong pasyente ay hindi kayang gampanan  ang mga mahahalagang tungkulin sa trabaho nang ligtas at may kakayahan, kahit na may makatwirang akomodasyon, maaari itong legal na gamitin ng employer bilang batayan para sa isang masamang aksyon..

9. Paano kung ang Employer ng aking Pasyente ay Magtanong Kung ang aking Pasyente ay Magdudulot ng Panganib sa Kaligtasan?

Ang ADA ay may napakahigpit na pamantayan para sa pagbubukod ng mga indibidwal na may mga kapansanan mula sa mga trabaho dahil sa mga pangamba sa kaligtasan. Magagawa lamang ito ng isang employer kung ang isang indibidwal ay nagpapakita ng isang "direktang pagbabanta" (ibig sabihin ay isang matinding panganib na may malalang pinsala sa indibidwal o sa iba) na hindi maaaring alisin o bawasan sa katanggap-tanggap na antas na may makatwirang akomodasyon. Kung magbibigay ka ng opinyon kung ang iyong pasyente ay lilikha ng panganib sa kaligtasan, nararapat lamang na matantiya mo ang posibilidad na pinsalang mangyayari  sa ilalim ng aktwal na pang-araw-araw na kondisyon sa trabaho ng pasyente at ang kasalukuyang gamutan nito batay sa kasalukuyang medikal na pagsusuri hangga’t maaari.  (Kung ang isang eksaktong pagtatasa ng posibilidad ay hindi posible, maaari pa ring maging kapaki-pakinabang ang paglalarawan ng probabilidad sa mga pangkalahatang termino, gaya ng “very unlikely" (mataas ang antas na hindi mangyari) o “quite likely"(“maaaring mangyari”.) Kung ang pag-iingat ay makakabawas sa panganib ng pinsala, dapat mong mailarawan ang mga ito.

11. Anong Uri ng Dokumentasyon ang Dapat Kong ibigay?

Maaaring mangailangan ang mga employer ng dokumentasyon na bumubuo ng kondisyon ng iyong pasyente at naglalarawan kung paano ito nakakaapekto sa pagsasagawa ng trabaho. Gayunpaman, hindi mo dapat ibigay ang mga medikal na rekord ng iyong pasyente, dahil maaaring naglalaman ang mga ito ng hindi kinakailangang impormasyon. Ang dokumentasyon ay makatutulong lamang sa iyong pasyente kung gagamitin ang simpleng pananalita, ipinapaliwanag nito ang mga sumusunod:

  • Ang iyong mga propesyonal na kwalipikasyon at ang uri at haba ng iyong relasyon sa pasyente. Ang isang maikling pahayag ay sapat na.
  • Ang uri ng kondisyon ng pasyente. Kung hihilingin sa iyo ng iyong pasyente na huwag ihayag ang partikular na dayagnosis o karamdaman, maaaring sapat na upang ihayag ang pangkalahatang uri ng karamdaman (i.e., "immune disorder"). Kung ang mga problema ng iyong pasyente sa trabaho ay hindi mismo sanhi ng impeksyon sa HIV o AIDS, ngunit may kaugnayan sa kondisyon, maaari mong piliing ihayag ang may kaugnayang kondisyon lamang.
  • Mga limitasyon sa pagganap ng pasyente nang walang gamutan. Ihayag na ang kondisyon ng pasyente ay lubos na naglilimita sa paggana ng immune system nang walang gamutan. Bilang kahalili, ilarawan ang lawak kung saan ang kondisyon ay naglilimita sa isang "pangunahing aktibidad sa buhay" tulad ng pag-concentrate, pagtingin, pag-upo, pagtayo, paglalakad, o paghinga, nang walang gamutan. Kung ang mga epekto sa pagganap ay pabalik-balik, ilarawan kung ano ang mga ito kapag pinakamalala ang sintomas nito. Ito ay sapat na upang makabuo ng malaking limitasyon sa isang pangunahing aktibidad sa buhay.
  • Ang pangangailangan sa isang makatwirang akomodasyon. Ipaliwanag kung paano ang kalagayan ng pasyente ay nangangailangan ng pagbabago sa trabaho. Halimbawa, kung ang iyong pasyente ay nangangailangan ng isang akomodasyon upang maisagawa ang isang partikular na tungkulin sa trabaho, dapat mong ipaliwanag kung paano ang mga sintomas ng pasyente - kung ano ang mga ito, nang may gamutan - ay nagpapahirap sa pagsasagawa o pagkilos. Kung kinakailangan, hilingin sa iyong pasyente ang paglalarawan ng mga tungkulin sa trabaho. Limitahan ang iyong talakayan sa partikular na problema na maaaring makatulong ang isang makatwirang akomodasyon. Ipaliwanag din sa employer kung bakit maaaring kailanganin ng iyong pasyente ang isang akomodasyon tulad ng pagbabago ng iskedyul (hal., pagdalo sa isang medikal na apointment sa araw ng trabaho) o walang bayad sa oras ng pahinga  (hal., tumanggap ng gamutan, o pagpapagaling).
  • Iminungkahing (mga) Akomodasyon. Kung may nalalaman kang isang epektibong akomodasyon, maaari itong imungkahi. Huwag labis na banggitin ang pangangailangan sa isang partikular na akomodasyon, sakaling kailanganin ang isang alternatibo.

Karagdagang impormasyon

Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga makatwirang akomodasyon at diskriminasyon sa kapansanan, bisitahin ang website ng Equal Employment Opportunity (EEOC) sa (https://www.eeoc.gov), o tawagan ang EEOC sa 800-669-4000 (boses) o 800-669-6820 (TTY).